Thursday, December 11, 2025

Ang Pananagutan Natin Sa Lipunan

Ang Pananagutan Natin Sa Lipunan

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Matunog ngayon ang isyu tungkol sa mga nagaganap na korapsyon sa pamahalaan. Nahahalungkat ang mga kalokohan na gawa ng ilang mga tao na nasa mataas na posisyon. Nabunyag ang katotohanan kung bakit patuloy pa rin ang pagbaha at bakit patuloy pa rin tayo na naghihirap. Sumisigaw ang lahat ng katarungan at sinisigaw na dapat na may managot sa mga nangyari. Ang tanong ay kung may mananagot ba at ang isa pang tanong ay kung handa ba tayong managot sa mga pagkukulang natin kaya nagpapatuloy pa rin korapsyon sa pamahalaan?

Gusto nating mapanagot ang mga may-sala ngunit paano nga ba sila napunta kung nasaan sila ngayon. Nalaman natin kung ano ba ang nangyari sa flood control funds at sa mga proyekto dahil sa mga imbestigasyon na nangyari. Nalaman din natin na may mga kasabwat na mga kongresista at mga senador. Ang tanong paano sila mapapanagot kung sila ay nasa kapangyarihan at may pera?

Ang unang dapat managot ay tayo mismo. Ano ba ang pananagutan natin? Dapat managot tayo sa mga maling tao na ating ibinoto lalo na kung alam naman na may bahid ang ibinoto natin. May mga tao na kaparte sa korapsyon dahil tumatanggap sila ng mga regalo at pabor mula sa kandidato kapalit ng kanilang boto. Ang hindi nakikita ng marami na hindi lamang ang kinabukasan nila ang binebenta nila kundi pati na rin ang kinabukasan ng iba at ng mga susunod na henerasyon. Ano ba ang dapat nating gawin para maitama ang ating mga mali?

Dapat simulan na natin managot sa mga mali natin at simulan ang pagbabago sa ating sarili. Umiwas na sumama sa korapsyon at wag ipagbili ang boto kapalit ng pera o kahit na ano pa mang bagay. Hindi na dapat iboto ang mga hindi karapat-dapat sa pwesto. Huwag ng hayaan pang makaupo pa ulit sa pwesto ang mga corrupt at incompetent dahil kapahamakan lamang ang dadalhin nila sa ating bansa. Dapat bantayan natin ang mga opisyal sa gobyerno lalo na ang mga opisyal sa ating lugar. Dapat ipush natin ang accountability at transparency para mapanagot ang mga maysala at para matakot na rin silang gumawa ng kalokohan dahil alam nilang nakabantay ang taumbayan at mapaparusahan sila kapag sila ay nahuli. Dapat din nating ipush ang Anti-Dynasty Law at Freedom of Information Law para mapigil na mala-dinastiya nilang pamumuno lalo sa mga probinsya at mabigyan ng pagkakataon ang iba na mas magaling na makapamuno sa kanilang lugar. Ang Freedom of Information Law ang magbibigay sa atin ng kapangyarihan para mabusisi ang kanilang paggastos at malaman natin kung saan talaga napupunta ang pera natin. Dapat ding higpitan ang paggamit ng confidential funds lalo na sa mga ahensiya at opisina na hindi naman nangangailangan ng ganitong pondo para maiwasan na magamit ito sa korapsyon.

Alam natin na hindi lang sa flood control funds and projects may korapsyon kundi sa iba pang funds at mga projects ng pamahalaan. Mapapanagot lamang natin ang mga maysala kapag sila ay tinanggalan natin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng hindi pagboto sa kanila at sa pamamagitan FOI Law na magpapakita kung saan ba talaga napupunta ang pera ng bayan. Mapapanagot lamang natin ang mga maysala kung babantayan natin kung ano ba ang mangyayari sa issue na ito at kung tayo ay boboto ng tama. Ipush natin sa ating mga mambabatas ang mga reporma na dapat ng maipasa para matigil na ang matinding korapsyon na nagaganap sa ating bayan.

Dapat nating malaman ang pananagutan natin sa lipunan para mapanagot din natin ang mga nagkasalang taong nasa kapangyarihan. Cycle lamang ang kahihinatnan ng lahat kung hindi natin aayusin ang pagpili sa mga iboboto natin at kung hindi nating babantayan ang mga nangyayari sa gobyerno. Hindi tayo pwede magbingi-bingihan at magbulag-bulagan dahil tayo pa rin ang maaapektuhan ng mga ganitong bagay sa huli. Tayo ang nagbabayad ng buwis kaya tayo ang maghihirap kapag nagpatuloy ang korapsyon. Lagi nating isipin ang pananagutan natin sa bayan para hindi tayo maligaw sa ating pagpili sa mga dapa mamuno sa ating bayan. Huwag maniwala sa mga pambobola at huwag magpapadala sa mga regalo dahil yan ay may kapalit at ang kapalit niyan ay ang lalong nagpapahirap sa ating lahat dahil kada lumalaki ang kinukurakot ng mga tiwaling opisyales ay kailangan nilang lakihan ang sisingilin na buwis para ipantapal sa mga ninakaw nila.

Ang sanaysay na ito ay lahok sa Saranggola Awards 2025.