Ito ang aking review sa Peanut Butter ng Aileen’s Homemade Products. Sila ay nasa Laguna at ang Peanut Butter na gawa nila ay mayroong tatlong flavor: Smooth, Chocolate, at Choco Nut. Nabili ko ito mula sa Konbini Neko FB Page at tumatanggap sila ng bayad sa pamamagitan ng GCash. Ang presyo ng Smooth ay 130 pesos habang ang Chocolate at Choco Nut ay 150 pesos.
Peanut Butter (Smooth)
Itong flavor na ito ang masasabi ko na pinakamasarap sa tatlo kahit na ito pa ang pinakahuli kong natikman sa tatlo. Ito ang pinaka-naenjoy ko dahil tamang-tama ang lasa miski yung texture. Ito talaga ang tunay na peanut butter in comparison sa mga peanut butter na nabibili mo sa mga bakery. Yung iba kasi ay macoconsider mo lang na peanut spread at hindi peanut butter. Hindi siya oily at hindi rin sobrang tamis. Makikita mo talaga na hindi tinipid sa ingredients lalo na sa peanuts. Tamang-tama na ipalaman sa tinapay.
Peanut Butter (Chocolate)
Nung una ko siyang tinikman ay hindi ko siya naenjoy pero habang tumatagal pala ay sumasarap. Ito ko kasi nalasahan nung una ko siyang tinikman ang chocolate flavor nito. Hindi siya matamis at masasabi ko pa nga na medyo matabang pero ok lang yon sa akin kasi dapat ganon naman talaga ang chocolate para maging masarap. Masarap siyang ipalaman sa tinapay at masarap din siyang ilagay sa prutas.
Peanut Butter (Choco Nut)
Ito ang una kong tinikman sa tatlo. Naenjoy ko naman siya nung una at masasabi ko na masarap. Nalasahan ko ang chocnut. Masyado nga lang overpowering ang flavor at may after taste siya. Ang problema lang ay nakakasawa siya pagtagal. Tapos tumitigas siya kapag nairef na kaya mahirap gawing palaman sa tinapay. Pinapak ko na nga lang siya. Mairerekomenda ko na iimprove pa yung flavor na ito dahil may malaki itong potensyal na pumatok sa masa.
Masasabi ko na sa kabuuan ay masarap naman ang tatlong flavors pero kung oorder siguro ulit ako ay yung smooth at chocolate flavor ang pipiliin ko. Maganda din ang packaging at talagang mukhang appealing. Sulit yung 130 pesos for 500 grams para sa regular na peanut butter at yung 150 pesos for 500 grams para sa flavored peanut butter. Sana ay gumawa din sila ng nutty flavor.