Tuesday, April 8, 2025

Serye ng Webinar ng KWF, Tampok sa Buwan ng Panitikan 2025

Serye ng Webinar ng KWF, Tampok sa Buwan ng Panitikan 2025

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Itatampok ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang serye ng webinar sa Buwan ng Panitikan 2025 sa Abril na may temang “SÍKAD PANITIKAN: Kultura at Panitikan ng Kaunlaran.”

Itinatadhana ng Proklamasyon Blg. 964, s. 1997 na pangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang paggunita sa Araw ni Balagtas tuwing Abril 2 ng bawat taón. Gayundin, inaatasan ng Proklamasyon Blg. 968, s. 2015 na nagdedeklara sa buwan ng Abril bilang Buwan ng Panitikang Pambansa o National Literature Month na nagbibigay-halaga sa panitikang nakalimbag sa iba’t ibang wika sa Pilipinas na itinuturing na pamanang pangkultura sa mga susunod na henerasyon.

Ang unang webinar ay nakaiskedyul sa 07 Abril 2025, 10:00 nu–12:00 nt na may paksang “Pagtanaw sa Pagsulong ng Literaturang GAD sa Pag-unlad ng Bansa” na tatalakayin naman ni Dr. John Iremil E. Teodoro, Kawaksing Propesor, De La Salle University-Manila

Ang ikalawang webinar ay nakatakda sa 14 Abril 2025, 10:00 nu–12:00 nt na may paksang “Mga Trend at Hámon sa Pagtuturo ng Panitikan sa Kasalukuyan” na ang tagapagsalita ay si Dr. Eugene Y. Evasco, Propesor, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

Ang ikatlong webinar ay gaganapin sa 21 Abril 2025, 10:00 nu–12:00 nt na may paksang “Panitikan at Wika: Pagpapalaganap ng Filipino Sign Language sa Pagsulong ng Ingklusibong Lipunan” na tatalakayin ni John Xandre C. Baliza, Chairperson, BSLI Program, School of Deaf Education and Applied Studies, College of Saint Benilde.

Ang ikaapat na webinar ay isasagawa sa 28 Abril 2025, 10:00 nu–12:00 nt na may paksang “Mga Lihim na Bayani ng Panitikan” na tatalakayin ni MJ N. Rafal, Propesor, Kagawaran ng Filipinolohiya, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

Ang serye ng webinar ay live na mapanonood sa opisyal na Facebook page ng Komisyon sa Wikang Filipino.

Sa mga nagnanais na dumalo sa serye ng webinar via zoom ay maaaring makipag-ugnayan sa Sangay ng Impormasyon at Publikasyon (SIP) sa telepono bílang 0929-832-7205 o magpadala ng email sa teenabustan@kwf.gov.ph para sa mga tanong at paglilinaw.

Ang mga dadalo sa nabanggit na webinar ay makatatanggap ng e-sertipiko mula sa KWF.