Kabataan at Pagkakaisa: Susi Sa Hinahangad Nating Lingap sa Hinaharap!

115

Sa bawat sulok ng mundo, puro kaguluhan at pagkakahati-hati ang ating naririnig. Unti-unting nawawala ang pag-ibig sa kapwa tao. Puro pansariling kapakanan ang iniisip ng marami. Nagtataasan ang mga presyo ng mga bilihin at may mga mapagsamantala pa kapag may mga trahedya o kakulangan sa suplay. May pag-asa pa nga ba para maabot ang lingap na hinahangad natin sa hinaharap?

May magandang balita pa rin sa likod ng madidilim na pangyayari at mga malulungkot na balita dahil may pag-asa pa. Ano ang pag-asa natin para sa mas mabuting bukas? Ang kabataan at pagkakaisa, ang solusyon na kailangan natin para sa mas masaya, maganda at maayos na kinabukasan. Paano ang dalawang bagay na ito ang makapagbibigay sa atin ng hinahangad nating lingap sa hinaharap?

Una, ang mga kabataan ang magiging isa sa pundasyon sa magandang kinabukasan. Sila ang mga magiging susunod na lider at lilingap sa ating bansa. Sila din ang magiging timon ng ating bansa at papatnubay kung ano ang tatahakin natin. Kailangan nating maglaan ng panahon na gabayan sila at mamuhunan para sa ikabubuti nila. Kailangang masiguro na ang edukasyon na natatamasa nila ay tama at wasto. Sila din ang susi kung tayo ba ay magkakaisa o magkakahati sa hinaharap.

Ang pagkakaisa naman ay malaki ang maitutulong sa pag-unlad natin sa hinaharap. Hindi nangangahulugan na wala tayong maging pagkakaiba sa hinaharap dahil ang pagkakaisa ay pagsasama natin at pagkakaintindihan habang may mga pagkakaiba tayo sa mga opinyon, talento, paniniwala, itsura, at iba pang mga aspeto. Ang mga pagkakaiba natin ay isa nating kalakasan para mapaunlad ang ating bayan at pamayanan ngunit kailangan mayroon tayong iisang layunin para lalong mapalakas ang kakayahan at mapagtibay ang pagkakaisa.

Dapat nating tandaan na tayo pa rin ang may hawak ng kasalukuyan at dapat gawin natin ang lahat para patnubayan ang mga magiging susunod na timon sa kinabukasan. Ang ating kasalukuyan ay puno ng kahirapan, pighati at pagkakawatak-watak ngunit hindi natin pabayaan na manatili ang mga bagay na ito. Kapag lalong lumalala ang mga pangyayari at sumidhi ang pagkakahati-hati ay lalo lamang sasama ang bukas at maaaring hindi na natin pang maabot ang lingap na hinahangad natin sa kinabukasan.

Ngayong panahon na naging malamig na ang marami sa isa’t isa ay nangangailangan tayo ng lingap mula sa kapwa. Dapat tumindig tayo upang maging gabay at liwanag sa mga kabataan at maging tagapagpalaganap ng pagkakaisa sa ating lipunan. Dapat magkaisa tayo para sa ikabubuti ng lahat at magkaisa para labanan ang kasamaan. Ang mga solusyon na ito ay makakatulong na maabot natin ang hinahanap nating lingap at kaginhawaan sa kinabukasan. Kailangan maging bukas ang isip natin sa lahat ng pagbabago at tayo ang maging gabay sa mga kabataan para masigurado ang mas maliwanag at maaliwalas na kinabukasan.

Sana maging liwanag tayo sa panahon ng kadiliman at magbigay lingap sa bawat nangangailangan nito. Maging matatag tayong lahat dahil marami pa taong mga pagsubok na kakaharapin ngunit lagi nating tandaan na may pag-asa pa rin. Mga kabataan dapat nating patnubayan at lingapin at ang pagkakaisa ay dapat nating palaganapin. Ito ay para sa ating minimithi na lingap sa kinabukasan!

Ang sanaysay na ito ay lahok sa Saranggola Awards 2023.